Senador, umapela sa gobyerno na magsagawa pa rin ng konsultasyon sa mga drivers, operators at iba pang stakeholders

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa pamahalaan na magsagawa pa rin ng diskusyon at konsultasyon sa mga stakeholders sa kabila ng isinagawang traffic summit kamakailan.

Ayon kay Sen. Marcos, nagpapasalamat siya sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos sa pangunguna sa Traffic Summit para makahanap ng ibang paraan upang matugunan ang traffic situation sa bansa.

Sinabi ng mambabatas na batid naman na hindi matuluy-tuloy ang modernisasyon sa mga PUVs dahil hindi pa natutugunan ang mga isyu ng transport sector at ito ay ang pera o puhunan para makabili ng bagong sasakyang pampasada.


Tinukoy rin ng senadora ang isyu sa pagitan ng transportation cooperative at ng mga maliliit na drivers at operators na umaayaw na mapasailalim ng kooperatiba.

Iminungkahi rin ni Sen. Marcos na pag-aralan muna at subukan kung uubra ang pagbabago ng oras ng pasok ng mga manggagawa para maresolba ang trapiko lalo na sa Metro Manila bago ito tuluyang ipatupad.

Umaasa ang mambabatas na magkakaroon muli ng malawakang diskusyon ang gobyerno tungkol sa problema sa traffic at kasama rito ang lahat ng apektadong sektor.

Facebook Comments