Kumpiyansa si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na maisasabatas ang panukala niyang itaas sa edad na 16 ang maituturing na statutory rape.
Sa isang panayam, sinabi ni Zubiri na malaki ang tiyansang maaprubahan agad sa Senado ang panukala dahil na rin ng ipinapakitang suporta ng kanyang mga kapwa senador.
Aniya, marami sa kanyang mga kasamahan ang nais maging co-sponsor at co-author ng panukala.
Plano nila na mailusot ang panukala bago ang session break pero depende pa rin aniya ito kay Senator Richard Gordon na siyang chairman ng Committee on Justice.
Sa ilalim ng panukala, itataas ang age of statutory rape sa 16 years old mula sa kasalukuyang 12 years old.
Ibig sabihin, ang sinumang adult na magkakaroon ng sexual intercourse sa isang minor na edad 16 pababa ay ikokonsiderang guilty sa kasong rape kahit na may pahintulot ito ng bata.
Ikinababahala rin ni Zubiri ang ulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na 80% ng mga babaeng maagang nabubuntis ay may partner na edad 21 pataas.
Habang itinuturing na iligal ang pakikipagtalik ng adults sa mga minor, nakasaad din aniya sa panukalang batas ang “Romeo and Juliet” provision kung saan tinatanggap ang relasyon sa pagitan ng mga kabataang magkalapit ang edad basta’t walang mangyayaring pilitan sa pakikipagtalik.
Samantala, una nang inaprubahan ng Committee on Revision of Laws at Committee on Welfare of Children sa Kamara ang kaparehong panukala.