
Sumulat na si Senator Risa Hontiveros kay Budget Secretary Rolando Toledo para hilingin na lahat ng mga nasa transport sector ay mabibigyan ng ayuda sa ilalim ng P30 billion Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng DSWD.
Sa liham ni Hontiveros na may petsang March 19, 2026, hinihiling nito na lahat ng Public Utility Vehicles (PUV) drivers at transport cooperatives kasama ang mga hindi nabibilang sa “poorest of the poor” ay mapagkalooban ng emergency assistance.
Nais ding malaman ng senadora kung paano mare-repurpose ang P30 billion na pondo ng AICS para sa lahat ng mga nasa transport sector na apektado ng oil crisis.
Lahat aniya ng klase o antas ng PUV drivers ay apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at batay sa inisyal na pag-aaral, mahigit ₱1,000 na kaagad ang lugi ng isang PUV driver sa kada araw.
Binigyang-diin din ni Hontiveros na walang ayuda ngayon ang mga nasa transport cooperatives kaya ngayon ay natetengga ang kanilang mga tsuper lalo pa’t iniatras ang dapat sana’y taas-pasahe.
Nais ng mambabatas na maglatag ang Department of Budget and Management (DBM) ng malinaw na mekanismo upang sa gayon ay siguradong makakarating sa lahat ng tsuper at transport cooperatives ang tulong.










