Itinakda na sa susunod na linggo ng Senate Blue Ribbon Committee ang motu proprio hearing sa biniling COVID-19 vaccines ng pamahalaan.
Sa inilabas na abiso ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, sa umaga ng December 14 ikakasa ang unang pagdinig kaugnay sa mga biniling bakuna noong kasagsagan ng pandemya.
Partikular na sisilipin ng Blue Ribbon ang pagbili ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng non-disclosure agreement (NDA) at ang pagtanggi ng Department of Health (DOH) na ilabas ang detalye ng kontrata sa pagbili ng bakuna sa ilalim pa rin ng NDA.
Nakapaloob sa NDA ang kasunduan ng gobyerno at ng mga vaccine supplier na manatiling confidential o hindi paglalabas ng mga impormasyon sa biniling bakuna.
Matatandaang inihayag ng Commission on Audit (COA) na ikinasa na nila ang kanilang ‘special audit’ para sa procurement ng COVID-19 vaccines ngunit problema ang DOH na ayaw magbigay ng mga dokumento dahil sa NDA sa mga supplier.