Manila, Philippines – Nagpasalamat ang Palasyo ng Malacañang sa Senate Blue Ribbon Committee sa pagbibigay ng pagkakataon kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nito na si Atty. Manases Carpio na pasinungalingan ang mga paratang sa kanila ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, dahil sa pagdalo ng anak at manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senate hearing ay nagkaroon ang dalawa ng pagkakataon na salagin ang mga ibinabatong paratang ni Trillanes na sangkot umano ang dalawa sa katiwalian sa Bureau of Customs na naging dahilan ng paglusot ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu.
Sinabi ni Abella, ang lahat ng Senador ay nagpakita ng paggalang sa katotohanan bukod sa isang Senador na hindi naman pinangalanan ni Abella.
Ang isang ito aniya ay mayroong mga walang basehang paratang patungkol sa bank accounts, tattoo at pinipilit ang mga witness na pasinungalingan ang kanyang mga pahayag imbes na maglabas ng mga matitibay na ebidensiya sa kanyang mga paratang.