Senate Blue Ribbon Committee, tiwalang maaaprubahan sa plenaryo ang committee report hinggil sa overpriced laptop controversy

Tiwala si Senator Francis Tolentino na aaprubahan sa plenaryo ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na naglalaman ng findings at rekomendasyon hinggil sa ginawang imbestigasyon sa P2.4 billion overpriced laptops na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa susunod na linggo o sa muling pagbabalik sesyon ng Kongreso ay ihaharap ni Tolentino sa plenaryo ang committee report.

Iginiit ng senador, na siyang Chairman ng Blue Ribbon Committee at siya ring bumalangkas ng report, na pinagbatayan nila rito ang mga nakalap na ebidensya at testimonya ng mga resource person.


Matapos na aprubahan sa plenaryo ay agad na magsusumite ng kopya ng report sa Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at sa Commission on Audit (COA).

Nakasaad sa committee report ng Blue Ribbon ang rekomendasyon na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang ilang dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd at PS-DBM na responsable sa paggamit ng pondo.

Ipinare-recover din ng Senado ang P979 million na overpriced na halaga ng biniling laptops at pinagsasagawa rin ng special fraud audit ang COA.

Pinag-iisyu naman ang Bureau of Immigration (BI) ng Immigration lookout bulletin order laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd at PS-DBM.

Facebook Comments