Senate Blue Ribbon, tinapos na ang imbestigasyon sa biniling overpriced laptop ng DepEd; mga laptop, higit sa 100% ang itinaas kumpara sa orihinal na presyo

Tinapos na ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) ang pagdinig tungkol sa ₱2.4 billion na overpriced laptop na binili ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Bago matapos ang pagdinig ay iprinisinta ng Commission on Audit (COA) ang kanilang significant audit findings kung saan lumalabas na higit sa 100% ang itinaas sa presyo ng per unit ng biniling laptop para sa mga public school teachers.

Naglabas ng comparison si COA State Auditor Job Aguirre kung saan lumalabas na 159% na mas mataas ang presyo ng biniling laptop ng DepEd at PS-DBM kung ikukumpara sa market price habang 133% naman na mas mataas kumpara sa presyo sa online market ng parehong model ng laptop.


Sa 58,500 per unit price ng laptop ng DepEd lumalabas na nasa ₱22,000 hanggang P25,000 lang ang presyo ng kada unit ng entry level na laptop.

Bukod sa mabagal na processor, ay wala ring kaukulang certification at iba pang standard na materyales na ginamit sa laptop bag.

Ikinukunsidera ng COA na overpriced ang biniling laptop ng DepEd dahil batay sa kanilang COA circular, ang anumang item na higit sa 10% ang itinaas sa presyo kumpara sa umiiral na presyo sa merkado ay maikukunsiderang ‘excessive’.

Dagdag pa rito, ‘as of’ August 17, 2022, sa 2,378 units na binili ng ahensya, 1,678 units ang nakatago lang sa Asset Management Division stock room ng DepEd at hindi na napakinabangan ng mga intended beneficiaries o mga guro.

Bago i-terminate ang imbestigasyon ngayong araw ay humingi ng paumanhin si BRC Chairman Francis Tolentino sa mga guro at sa mga estudyanteng naapektuhan ng nasabing kontrobersiya.

Facebook Comments