Senate Committee report ukol sa e-sabong, ilalabas sa pagbabalik nila sa sesyon

Isinasapinal na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang report kaugnay sa ginawa nitong apat na pagdinig ukol sa online sabong at sa pagkawala ng 34 na sabungero.

Ayon kay Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, nakalatag na ang kaniyang mga rekomendasyon pero hinihingan pa niya ng input o rekomendasyon ang mga kapwa senador.

Plano ni Dela Rosa na ilabas ang report sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa May 23.


Nauna nang binanggit ni Dela Rosa na kabilang sa isusulong ng Komite ang mahigpit na regulasyon ng e-sabong at ang paglimita sa operasyon nito tuwing Linggo at holiday lang mula sa araw-araw at 24 oras nitong operasyon ngayon.

Plano ring irekomenda ng Komite ang agad na suspensyon o kaya ay pagpapasara ng e-sabong operations ng isang kompanya kapag may nangyaring krimen.

Inaasahan ding igigiit ng Komite ang mungkahi ni Senator Francis Tolentino na patawan ng buwis ang panalo sa e-sabong at sa mga digital wallet kung saan dumadaan ang taya sa e-sabong.

Facebook Comments