Sinusuri na ng Senate Energy Committee ang performance ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) pati na ang pagsunod nito sa mga obligasyon batay sa nakasaad sa konstitusyon, sa EPIRA, prangkisa at kontratang nilagdaan nito sa gobyerno.
Kaugnay nito ay nagbanta ang chairman ng committee na si Senator Win Gatchalian, na pababawian ng prangkisa ang NGCP.
Paliwanag ni Gatchalian, ito ay kung lalabas sa kanilang pagsusuri na bigo ang NGCP na maitama ang mga pagkakamali nito at hindi pagganap sa mga obligasyon nito.
Sinabi ni Gatchalian na anuman ang magiging rekomendasyon ng Energy Committee ay kanilang isusumite sa Senate Public Services Committee na siyang sumasakop sa usapin ng pagtatanggal ng prangkisa.
Ayon kay Gatchalian na ang pagsisiyasat sa performance ng NGCP ay sinimulan na ng kanyang komite bago pa ang pinakahuling rotational brownouts na nangyari sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na nagtulak para magsagawa ng imbestigasyon sa Senado.