Muling umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Bongbong Marcos na i-veto ang buong Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ang reaksyon ng Minorya ay kasunod na rin ng kumpirmasyon ng pangulo sa gitna ng anibersaryo ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kanyang aaprubahan at lalagdaan ang MIF oras na makuha niya ang kopya ng bill.
Giit ni Pimentel, nananawagan siya sa pangulo na i-veto ang Maharlika Bill sa maraming kadahilanan.
Una aniya ay hindi pinagplanuhang mabuti ang panukala at wala namang sobrang pondo o surplus at windfall profits ang bansa.
Sumunod ayon kay Pimentel ay hindi napapanahon ang pagkakaroon ng sovereign wealth fund dahil masama ang sitwasyon ng ekonomiya ng buong mundo.
Isa rin aniya sa dahilan ay hindi naibigay ng Kongreso ang gusto ng presidente at kinakailangan pa ng maraming panahon para talakayin at timbangin ng taumbayan ang ganitong klase ng panukala.
Panghuli, ang panukala na isusumite sa pangulo ay hindi ito ang bersyon na pormal na inaprubahan ng Kongreso sa plenaryo.
Dagdag ni Pimentel, mayroong probisyon sa panukalang batas ang ginalaw ng Senado na hindi dumaan sa plenary authority at dahil dito ay hindi malabong makwestyon sa Korte Suprema ang constitutionality ng MIF Bill.