Senate President Chiz Escudero, walang planong magbago ng posisyon sa Cha-Cha

Walang plano si Senate President Francis Escudero na baguhin ang kanyang posisyon sa Charter Change (Cha-Cha).

Isa si Escudero sa walong senador na tinukoy na tutol sa Resolution of Both Houses No. 6 na tinalakay sa ilalim ng SubCommittee on Constitutional Amendments na dating pinamumunuan ni Senator Sonny Angara.

Ayon kay Escudero, kung may dalawa mang kulang na boto sa Senado para mailusot ang Cha-Cha ay hanapin ito sa pitong iba pang senador at hindi siya ito.


Sinabi pa ng Senate president na nagtataka siya na kung wala naman palang bilang ang Cha-Cha ay bakit tinutuloy-tuloy pa ang pagdinig dito sa Senado lalo’t hindi naman ito ordinaryong botohan na mayorya lang ng mga myembro kundi mangangailangan ng 3/4 o 18 boto ng mga senador.

Dagdag pa ni Escudero, kung magkausap man sila ni Speaker Martin Romualdez tungkol sa Cha-Cha ay magiging totoo lamang siya rito at hindi magbibigay ng “false hopes”.

Facebook Comments