Senate President Tito Sotto III, tiwalang makukumbinsi si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin sa pwesto si DOH Secretary Francisco Duque III oras na mabasa ang Senate report hinggil sa PhilHealth anomaly

Naniniwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na makukumbinsi si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin na sa pwesto si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III oras na mabasa nito ang report ng Senado hinggil sa imbestigasyon nito sa mga alegasyong katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Sotto, posibleng hindi pa nakakarating sa Pangulo ang Senate report kaya patuloy itong nagtitiwala kay Duque.

Aniya, dapat maging neutral ang Pangulo at huwag makikining sa “showmanship” ng mga inaakusahang sangkot sa anomalya sa ahensya.


Dagdag pa ng senador, malinaw naman na may kinalaman ang kalihim sa mga anomalya sa PhilHealth.

Sa halip kasi na pagalitan, ipinagtatanggol pa ni Duque ang mga tauhan sa PhilHealth na idinadawit sa mga iligal na transaksyon sa ahensya.

Lumagda man o hindi sa mga dokumento si Duque ay dawit siya bilang Chairman of the Board ng PhilHealth.

Samantala, sa Lunes, September 14, nakatakdang isumite ng Department of Justice (DOJ) kay Pangulong Duterte ang report nito hinggil sa PhilHealth anomaly.

Tiwala naman si Sotto na hindi magkakalayo ang ulat ng DOJ sa report ng Senado.

Facebook Comments