Senate visitors at resource persons, pinagsusumite ng medical certificate

Simula sa October 1, 2020 o sa darating na Huwebes ay obligado nang magsumite ng medical certificate na nagsasaad na walang COVID-19 ang lahat ng bisita at resource person na nais makapasok sa gusali ng Senado.

Ang nabanggit na bagong polisiya ay ini-anunsyo ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III alinsunod sa rekomendasyon ng Senate Medical Bureau.

Ang medical certificate ay kailangang maisumite sa Senate Sergeant at Arms 24-oras bago ang pagpunta sa Senado para bumisita o kaya ay dumalo sa mga pagdinig nito at iba pang kaganapan.


Ang nabanggit na hakbang ay bunga ng inaasahang pagdami ng magtutungo sa Senado dahil sa mga pagdinig ukol sa panukalang 2021 National Budget.

Bukod dito ay mahigpit ding ipinapatupad sa Senado ang pagsusuot ng face mask at face shield bilang pagsunod sa ordinansang ipinapatupad ng Pasay City Government na siyang nakakasakop sa gusali ng Senado.

Sa ngayon ay nasa 37 empleyado ng Senado at staff ng mga senador ang naitatalang dinapuan ng COVID-19, habang apat namang mga senador ang nahawa ng virus na kinabibilangan nina Senators Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara, Koko Pimentel at Ramon Bong Revilla Jr.

Facebook Comments