Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang publiko na magpatuloy at magkapit-kamay sa pagtataguyod ng bansa sa gitna ng kontrobersiya na nakapalibot sa bagong tourism campaign na ‘Love the Philippines.’
Ito ay matapos putulin ng Department of Tourism (DOT) nitong Lunes ang kontrata nito sa isang advertising agency na napatunayang gumamit ng stock footage na kuha mula sa mga ibang bansa sa pagsusulong ng turismo sa Pilipinas.
Ayon kay Cayetano, nagkaroon ng masiglang demokrasya ang bansa kaya nalantad ang isyu at nagresulta ito sa pag-amin ng DOT at ng DDB Philippines sa kanilang pagkakamali.
Gayunpaman, sinabi ng senador na magkaroon ng balanseng pananaw sa isyung ito kung saan maaaring may partisan at pampulitikang interes.
Samantala, nagbabala rin si Cayetano laban sa paglaganap ng fake news tulad ng kumakalat na maling balita sa social media platforms noong matagumpay na hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games noong 2019, na pinamunuan niya bilang chairman ng Philippine Sea Games Organizational Committee.