Senator Bato, kabado sa ICC probe

Kabado si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa matapos na mapasama sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa drug war killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ito ang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa meeting ng Joint Task Force – Regional Task Force to End Local Communit Armed Conflict sa Lucena City kahapon.

Ayon sa pangulo, sinabihan niya si Dela Rosa na huwag mag-alala dahil siya mismo ang magpapakulong sa kanyang sarili kung kinakailangan.


Matatandaang ilang grupo ang nanawagan sa ICC na imbestigahan ang mga pagpatay na resulta umano ng polisiya ng administrasyon laban sa iligal na droga.

Giit naman ng pangulo, ang mga napatay lang naman ang binibilang ng mga grupong ito habang hindi nila nakikita ang 500 indibidwal na naaaresto araw-araw dahil sa drug-related crimes gayundin ang mga pulis na nasasawi sa operasyon.

Kasabay nito, pinabulaanan ng pangulo na small-time peddlers lang ang target ng anti-drug war.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na paghahandaan niya ang kanyang magiging depensa sa posibleng imbestigasyon ng ICC pagkatapos niyang bumaba sa pwesto sa June 30, 2022.

Facebook Comments