Senator Binay, umapela sa militar na iligtas ang child warriors ng Maute group

Manila, Philippines -Iginiit ni Senator Nancy Binay na hindi makataao at hindi katanggap tanggap ang napabalita na gumagamit ang Maute group ng mga bata sa kanilang paghahasik ng karahasan sa bahagi ng Mindanao.

Ayon kay Senator Binay, kung totoo ang nasabing report ay dapat sikapin ng militar na huwag masaktan ang nasabing mga bata na ginagawang pananggalang ng Maute group.

Ayon kay Sen. Binay, ang nasabing mga bata ay hindi dapat tratuhing mga rebelde at sa halip ay dapat dalhin ang mga ito sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.


Ito ayon kay Binay, ay bilang pagsunod sa Section Three, Article XV ng 1987 Constitution na dapat pangalagaan ng estado ang karapatan ng mga bata laban sa mga pang-aabuso.

Giit ni Binay, ang nasabing mga bata ay biktima lang din ng karahasan at maling ideolohiya.

Tinukoy pa ni Binay ang Optional Protocol to the Convention on the Rights of the Child on the Involvement of Children in Armed Conflict, na nagsasabing obligasyon natin na pigilan ang mga edad 18 pababa na makibahagi sa karahasan.

Habang nakasaad naman aniya sa International Labor Organization (ILO) Convention 182, na ang pag recruit ng child warriors ay ang pinaka grabeng uri ng child labor.
DZXL558, Grace Mariano

Facebook Comments