Hindi na bago para kay Sen. Leila de Lima ang mga kunwaring pasabog ni Pangulong Rodrigo Duterte, lalo na kung may mga gusto silang pagtakpan na isyu.
Diin ni de Lima, simula pa lang ay laway lang ang puhunan ng rehimeng ito para ilihis ang usapan at siraan ang mga gusto nilang siraan lalo na mga kritiko.
Ayon kay de Lima, dati ng gawain ni Pangulong Duterte ang magbunyag ng pangalan, mamahiya, magpasimuno ng intriga, kahit walang ebidensya.
Pahayag ito ni de Lima, makaraang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kongresistang iniimbestigahan umano ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Giit ni de Lima, hindi dapat paniwalaan ang PACC dahil ang mga bumubuo aniya dito ay malinaw na may kinikilingan, walang kredibilidad at may ambisyong pulitika.