Kinondena ni Senator Leila de Lima ang mga kumakalat na fake news at video na naglalaman ng maling impormasyon patungkol sa kaniya kasunod ng ginawa niyang pagdeklara ng muling pagkandidato sa 2022 elections.
Inihalimbawa ni De Lima ang kumakalat sa video-sharing website YouTube na tinanggal na siya sa pagiging senador at disqualified na sa muling pagtakbo sa senatorial race.
Malinaw para kay De Lima na ito ay bahagi ng disinformation campaign laban sa kaniya lalo pa’t nagpahayag na siya ng reelection bid.
Dahil dito ay nanawagan si De Lima sa Google Philippines na siyang may-ari ng YouTube na maging responsable sa mga content na pinapahintulutan nitong ilabas sa publiko.
Bunsod nito ay inaasahan ni De Lima ang pagkalat ng mas marami pang fake news at dirty political tactic laban sa kaniya pagsapit ng kampanya at eleksyon.
Sabi ni De Lima, mayroon umanong nagbabayad sa mga nagpapakalat ng pekeng balita laban sa kaniya para lituhin ang kaniyang mga tagasuporta.