Manila, Philippines – Kasabay ng pasasalamat kay Allah at ng pagtatapos ng Ramadan ngayong araw, ay idinadalangin ni Senator Leila De Lima na magwawakas na rin ang kaguluhan sa Marawi at ang pagdurusa ng mga kababayan nating naiipit sa bakbakan at naaapektuhan ng dislokasyon.
Umaasa si De Lima na ang pagdiriwang ng Eidl Fitr ay magsilbi sanang bukal ng pag-asa para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at hanggang ngayon ay nagsisiksikan sa mga evacuation center.
Gayundn aniya sa mga kapatid nating nagkakasakit at walang tiyak na pagkukunan ng makakain, sa mga nakatatandang higit na nahihirapan, sa mga batang nahinto sa pag-aaral, at lalong-lalo na sa mga nawalan ng mahal sa buhay.
Kaugnay nito ay umapela si Senator De Lima sa mga pinuno ng bansa na itigil na ang paghahamon ng higit pang patayan at karahasan, gayundin ang gawing biro lamang ang pagyurak sa ating karapatang pantao.
Paalala ng Senadora, ang manalo sa labanan ay hindi sukatan ng tunay na tagumpay.
Ang dapat, ayon kay De Lima ay siguraduhin ng pamahalaan ang pangmatagalang kapayapaan at tiyakin ang magandang kinabukasan para sa lahat.