Nang mag-adjourn o matapos kahapon ang session ng Senado ay masayang nasambit ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na masarap ang buhay at sana ganun na lang daw sila palagi ng mga senador.
Ang session ng Senado ay ginagawa sa pamamagitan ng video conference upang maiwasan ang pagdagsa ng malaking bilang ng mga senador at empleyado sa Senado na posibleng maging daan ng pagkalat ng virus.
Base sa live streaming ng sesyon, matapos i-adjourn ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang sesyon, ay masayang kumaway si Dela Rosa sa mga senador kasabay ng pagsasabi ng sarap ng buhay at sana raw ganun sila palagi.
May mga netizen na nagbigay ng negatibong reaksyon sa nabanggit na tinuran ni Dela Rosa lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemic.
Paliwanag naman ni Dela Rosa, kaya niya nasabi na masarap ang buhay ay dahil mas mabilis ang talakayan ng panukala kapag naka-Webex o teleconference silang mga senador at mas maaga rin na matapos ang session.
Dagdag pa ni Dela Rosa, sa kanyang tingin ay mas efficient ang session via Webex o teleconference basta maganda lang ang Wi-Fi signal nila.