Tahasang hinamon ni Speaker Alan Peter Cayetano sina Senator Franklin Drilon at Ping Lacson na sabay-sabay silang magpa-lie detector test matapos ang Southeast Asean (SEA) Games sa December 11.
Ito ay para patunayan aniya sa publiko na wala siyang kinita ni singko sa budget ng SEA Games.
Sa dinaluhang 44th phil national prayer breakfast sa Club Filipino sa San Juan City sinabi ni Cayetano na kailangan ding patunayan nina Drilon at Lacson na walang napunta sa kanila matapos patapyasan ng ₱2.5 bilyon ang pondo na inaprubahan dito ng kamara noong 2018 budget.
Ayon kay Cayetano, si Drilon mismo ang nanguna sa senado para tanggalan ng 33-percent ang SEA Games budget noon.
Nakapagtataka aniya kung bakit ngayon naghahanap ng pondo si Drilon samantalang mayroon itong sapat na panahon para dumakdak isang taon bago ang SEA Games.
Dahil dito ay nagbanta si Cayetano na huhubaran niya ng mukha kung sinu-sino sa lahat ng nagpapakalat ng fake news para siraan ang imahe ng bansa.
Maaga pa aniya ang 2022 at mag-focus sa mga atleta at pagkatapos ng December 11 ay handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon para dito.
Paliwanag ni Cayetano na ang nangyayari aniya ay usapin lamang ng pulitika at kawalan ng pagmamahal sa bayan.
Dagdag pa ni Cayetano na December 20 ay nakatakdang magpadala ng sulat sa Commission on Audit si Cayetano para hilingin na magsagawa ng special audit ang COA sa lahat ng pondong ginastos para sa SEA Games.