Senator Drilon, iginiit ang pagsailalim ni dating Customs Commissioner Faeldon sa Witness Protection Program

Manila, Philippines – Hinikayat ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon ang nagbitiw na si Customs Commissioner Nicanor Faeldon na isiwalat na ang katotohanan at lahat ng kanyang nalalaman ukol sa talamak na katiwalian sa Bureau of Customs.

Ang pahayag ay ginawa ni Drilon, kasunod ng rebelasyon ni Senator Panfilo Ping Lacson ng mga opisyal at empleyado na tumatanggap ng tara o lagay sa Customs, pati ang kanilang mga bagmen.

Ayon kay Drilon, nararapat ang isang full-blown investigation sa mga ibinunyag ni Lacson at si Faeldon ang kwalipikado na maging pangunahing testigo dito.


Kaugnay nito ay iginiit ni Drilon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre na isailalim si Faeldon sa Witness Protection Program o WPP.

Sabi ni drilon kay Aguirre, pag-aralan ang mga impormasyong inilahad ni Lacson.

Dapat aniya ay kasamang pag-aralan ng DOJ ang mga testimonyang nakuha ng Senate Blue Ribbon committee sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa paglusot sa Customs ng 6.4 billion pesos na shabu galing China.

Diin ni Drilon, dapat magtulungan ang lahat ng kinauukulang ahensya pati ang dalawang kapulungna ng kongreso para matuldukan na ang talamak na korapsyon sa Bureau of Customs.

Facebook Comments