Senator Drilon, kinompronta si Secretary Pernia sa presentation ng proposed 2018 budget sa Senado

Manila, Philippines – Hindi pinalampas ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang “political noise” tulad ng mga kritisismo sa kasalukuyang administrasyon ay risk o posibleng panganib sa ekonomiya ng bansa.

Bahagi ito ng pahayag ni Pernia kaugnay sa isinasagawang presentation ngayon sa Committee on Finance ng Development Budget Coordinating Committee o DBCC ng proposed P3.767-trillion national budget para sa taong 2018.

Katwiran ni Pernia, ang political noise kasi tulad ng mga kritisismo at mga rally o demonstrasyon mula sa anumang sektor o sa international community ay magdudulot ng pagkakawatak watak na sagabal sa pagangat ng ekonomiya ng bansa.


Pero diin ni Drilon, nakakabahala ang nabanggit na pahayag ni Pernia.

Kaya pinagsabihan ni Drilon si Pernia na bilang isang cabinet secretary ay dapat itong maging maingat sa paghahayag ng kanyang mga iniisip.

Tanong naman ni Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda, bakit hindi isinama ni Pernia sa maituturing na political risk sa economic growth ang peace and order situation sa bansa lalo na ang banta ng terorismo.

Paliwanag ni Legarda, ito ang mas inalala ng mga mamumuhunan.

Tugon naman ni Pernia, bibigyang konsiderasyon ang mungkahi ni Legarda.

Facebook Comments