Manila, Philippines – Inaprubahan na ng bicameral conference committee ang mahigit 3.57-trillion pesos na proposed 2019 budget at ngayong hapon ay nakatakda na itong ratipikahan ng senado.
Pero bukod kay Senator Panfilo Ping Lacson ay kinontra din ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang inaprubahan ng bicam na 2019 budget.
Ayon kay Drilon, binanggit na niya ito kay Finance Committee Chaiperson Senator Loren Legarda.
Ikinatwiran ni Drilon ang kawalan ng sapat na panahon na mapag-aralan nilang mabuti ang general appropriations bill na isinumite ng Kamara kaya kung boboto siya pabor dito ay para siyang pumirma sa isang blankong tseke.
Kabilang naman sa mga Senador na lumagda na sa budget bicam report ay sina Majority Leader Juan Miguel Zubiri, pro tempore Ralph Recto, at sina senators Sonny Angara, Nancy Binay, JV Ejercito at Cynthia Villar.
Si Senator Lacson naman ay may nakahanda ng privilege speech kaugnay sa “no” vote nya sa 2019 budget dahil sa umano ay mga pork barrel na nakasiksik dito.