Senator Estrada at Padilla, pinayuhan ang publiko na “mag-move on” na lang kasunod ng ika-50 anibersaryo ng Martial Law

Inihayag nina Senator Jinggoy Estrada at Robin Padilla na mag-move on na ang publiko sa isyu ng Martial Law sa bansa kasunod ng ika-50 taong pag-alala rito.

Sa isang press conference, sinabi ni Estrada na walang dahilan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang humingi ng tawad sa itinuturing na pinakamadilim na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas.

Aniya, patunay ang 31 milyong boto na nakuha ni Marcos nitong May 2022 National and Local Elections na naka-usad na ang mayorya ng Pilipino sa Martial Law.


Sa kabilang banda, naniniwala pa rin ito na kailangan bigyan ng pagkakataon na humingi ng pananagutan ang mga human rights victims.

Gayundin ang sentimyento ni Padilla kung saan sinabi nito na kapag hindi natin pinakawalan ang isyu ay hindi tayo lalago bilang isang nasyon.

Kinumpara pa ng mambabatas ang kaso ng dating diktador at pangulo na si Ferdinand Marcos Sr. at anak nito kay Adam sa bibliya na ang kasalanan ng ama ay hindi kasalanan ng anak.

Sa kabila ng pahayag nina Estrada at Padilla ay pinaalalahanan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang mga Pilipino na magbalik-tanaw at matuto sa pagkakamali ng nakaraan, protektahan ang demokrasya at laban ang maling impormasyon.

Para naman kay Senator Risa Hontiveros, ang pag-aalala ng Martial Law ngayong araw ay panawagan sa mga Pilipino upang ipagpatuloy na buhayin ang katotohanan at hindi lamang alalahanin ito.

Facebook Comments