Dismayado si Senador Win Gatchalian na laganap pa rin ang mabagal na internet connection sa bansa makalipas ang tatlong buwan ng magbigay ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga telecommunications companies.
Dagdag pa ni Gatchalian na bukod dito ay napakabagal din ng pagtugon ng mga telcos sa mga reklamo ng kanilang mga subscribers na may kinalaman sa mobile data at palyadong broadband services.
Binanggit ni Gatchalian ang kapansin-pansin na pagtaas ng bilang ng mga reklamo sa lokal na pamahalaan sa huling bahagi ng 2020 bunsod ng kawalan ng aksyon ng PLDT, Converge ICT at Globe Telecoms sa kanilang mga hinaing.
Diin ni Gatchalian, hindi maramdaman ng publiko ang napabalitang bumilis na ang internet speed sa bansa kaya’t tumaas na sa 86th spot nitong Enero 2021 ang dating pwestong 111th noong Enero 2020 ng Pilipinas.
Binanggit din ni Gatchalian na ayon sa Ookla Speedtest Global Index ay nananatili sa 100th na pwesto ang global ranking ng bansa pagdating sa internet speed ng mga fixed internet o fixed broadband.