Tutol si Senate Committe on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na maisapribado ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ikinatwiran ni Go na magiging negosyo ang PhilHealth kapag naisapribado na taliwas sa target ng gobyerno na serbisyo at pagiging non-profit nito.
Ayon kay Go, tulad ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, bigyan muna ng pagkakataon ang bagong pamunuan ng PhilHealth na maglinis, mag-imbestiga, magsagawa ng audit para panagutin at ipakulong ang mga sangkot sa mga anomalya.
Inihayag ni Go na suportahan muna ang bagong pamunuan ng PhilHealth hanggang December at kapag walang nangyari ay saka pag-isipan ang nararapat na hakbang tulad ng pag-abolish dito.
Suportado naman ni Go ang panukala ni Senate President Vicente Tito Sotto na amyendahan ang Universal Health Care Law para ilagay na Chairman ng PhilHealth board ang Kalihim ng Department of Finance.
Kumbinsido si Go sa sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na kapag siya ang naging Chairman ng PhilHealth board ay kakasuhan niya hindi lang ang mga sangkot sa katiwalian na nasa PhilHealth kundi maging ang mga nasa pribadong sektor.