Aminado si Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na mayroong mga pagkukulang ang buong Department of Health (DOH) at si Secretary Francisco Duque III kaya nirerespeto niya ang panawagan ng mga kasamahang senador na magbitiw ito sa pwesto.
Pero paliwanag ni Go, mahirap na magpalit pa ng “kapitan” sa gitna ng digmaan kaya mas makabubuti na tulungan na lang si Duque at magbayanihan tayo para mas mabilis malampasan ang pagsubok na hatid ng COVID-19.
Dagdag pa ni Go, marahil lahat din ng tao sa DOH, ay hirap na gumalaw dahil 51 indibidwal sa DOH Central Office Compound ang positibo sa COVID-19.
Diin ni Go, ibang klaseng giyera ang hinaharap natin ngayon dahil ang kalaban ay hindi nakikita kaya hindi ito kakayaning mag-isa ng DOH at kailangan ang kooperasyon ng lahat.
Kaugnay nito ay umaasa naman si Go na dahil sa panawagang magbitiw si Duque ay mas paghuhusayin pa ng DOH ang pagganap sa tungkulin.
Giit ni Go, walang pwedeng maging excuse o dahilan ang DOH dahil ibinigay naman ng Pangulo ang lahat ng tiwala at resources upang magawa nito ang mandato.
Pinayuhan din ni Go ang DOH na mas makinig sa hinaing ng mga tao at ng mga senador na kinatawan ng mga mamamayang Pilipino.