Senator Gordon, hinikayat ang mga kasamahan na pumirma sa inilabas niyang committee report ukol sa Pharmally

Sa pamamagitan ng isang privilege speech ay hinikayat ni Senator Richard Gordon sa mga senador na kasapi ng pinamumunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee na lumagda sa inilabas niyang report.

Base ito sa 18 pagdinig na ginawa ng komite ukol sa umano’y katiwalian sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ayon kay Gordon, matagal na siyang nagpa-follow up sa mga senador para lumagda sa draft report upang maihain nya iyon sa plenaryo at noong Mayo 20, 2022 ang pinakahuli niyang sulat.


11 mula sa 20 kasapi ng Blue Ribbon ang kailangang lumagda sa draft report para maging opisyal na committee report at matalakay na sa Plenaryo.

Sa ngayon, siyam pa lang ang lumagda hanggang kahapon na kinabibilangan nina Senators Franklin Drilon, Ping Lacson, Manny Pacquiao, Leila de Lima, Koko Pimentel, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Ralph Recto.

Binanggit ni Gordon na iginagalang niya ang mga kapwa senador at humihingi siya ng paumanhin kung mayroon siyang masaktan.

Pero giit ni Gordon, katungkulan nila bilang senador na lumagda sa draft partial report at pwede naman nilang isulat sa tabi ng kanilang lagda kung sila ay pabor, mag-aamyenda o mag-i-interpellate.

Umaasa si Gordon na lalagda ang mga senador para matalakay ang Pharmally report ngayon na huling araw ng kanilang sesyon.

Dahil kulang sa lagda, hiniling ni Gordon na ipasok sa records ng Senado ang draft report kasama ang mga nakalap nilang mga ebidensya at wala naman ditong tumutol.

Facebook Comments