STL public bidding sa QC, kinuwestiyon

23

Kinukuwestiyon ng Quezon City Cares (QC Cares) at Globaltech Mobile Online Corporation ang legalidad ng naganap na umano’y huwad na public bidding ng STL sa lungsod ng Quezon.

Batay sa isiniwalat na mga impormasyon ng isang confidential informant, ang kompanya na Lucent Gaming and Entertainment ang siyang idineklarang nanalo sa naganap na bidding sa kabila ng katotohanang wala umano itong sapat na pondo at kakayanan upang patakbuhin ang operasyon ng nasabing STL.

Ayon pa sa karagdagang ulat na nakalap, isang umano’y nagngangalang Ronald Pagulayan ang tunay na nagmamay-ari ng nasabing Lucent Gaming and Entertainment isang ‘One Person Corporation’ (OPC) na napapabalitang malapit na kamag-anak umano ni PCSO General Manager Royina Garma kung kaya’t matagumpay nitong nailusot ang nasabing ilegalidad.


Bukod dito ay napag-alaman din ng grupo na isa umanong negosyante ang sumustento sa daily remittance ng nasabing operasyon mula Oktubre 2021 hanggang Pebrero 2022 sa kadahilanang walang tunay na kakayanan umano si Pagulayan na bayaran ang mga obligasyon niya sa gobyerno.

Lumutang din na isang nagngangalang Procifena ang nagbayad umano ng cash bond ng Lucent Gaming at nakipagkasundo umano kay Pagulayan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement upang mailipat sa kamay ni Procefina ang aktwal na pangangasiwa ng nasabing iligal na operasyon.

Mariing kinokondena ng QCares ang nasabing gawain sapagkat ito ay maituturing na isang subcontracting na direktang labag sa tuntuning nakasaad sa Revised Implementing Rules and Regulations (RIRR) ng PCSO. Kasabay nito, iminumungkahi ng grupo ang pagpapawalang saysay sa pahintulot at awtoridad na iginawad sa nasabing operator.



Samantala, nagtataka naman ang Globaltech sa nagging aksyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawa nitong mga aplikasyon sa korte para sa pag-iisyu ng search warrants laban sa Peryahan ng Bayan habang ito ay nasa proseso pa lamang ng arbitration.

Nagpahayag ng pagkabahala ang QCares sa operasyon ng STL sa lungsod sapagkat ito ay nagiging pangunahing kasangkapan para palaganapin ang iligal na pagsusugal sa Quezon City sa kabila ng mas pinaigting na kampanyang isinasagawa ng QCPD sa ilalim ng pamumuno ni QCPD Director, PBGen Remus B Medina.


Facebook Comments