Senator Gordon, tiwalang hindi magiging malala ang tama ng COVID-19 sa kaniya dahil siya ay fully vaccinated na

Nagpositibo sa COVID-19 si Senator Richard Gordon pero wala naman siyang matinding sintomas na nararamdaman.

Gayunpaman, pinayuhan si Gordon ng kaniyang mga doktor na magpa-check-up at magpa-blood test para makita ang lagay ng kaniyang lungs lalo pa at may mga kaso ng Delta variant sa bansa.

Tiwala naman si Gordon na hindi magiging malala ang tama sa kaniya ng virus dahil siya ay fully vaccinated na.


Kaya naman hinihikayat ni Gordon ang mamamayang Pilipino na magpabakuna upang maprotektahan ang kanilang sarili, kapwa at mahal sa buhay laban sa COVID-19.

Nanawagan din si Gordon sa pamahalaan, sa pribadong sektor gayundin sa mga humanitaran at civic organizations na magtulungan para madagdagan pa ang suplay ng COVID-19 sa bansa at para mabakunahan ang mayorya ng mga Pilipino.

Paliwanag ni Gordon, hangga’t mayroong hindi nababakunahan ay magpapatuloy ang pagkalat ng COVID-19.

Dagdag pa ni Gordon, mahalaga din na ang lahat, pati ang mga bakunado na, ay patuloy na sumunod ng mahigpit sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagsasagawa ng physical distancing at palaging paghuhugas ng kamay.

Facebook Comments