Manila, Philippines – Iginiit ngayon ni opposition Senator Risa Hontiveros na ang paghingi ng Martial Law extension ay hindi parang umoorder lang sa Jollibee dahil ang kongreso ay hindi naman isang fastfood restaurant.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat madaliin ang proseso ng pagpapalawig sa martial law na umiiral ngayaon sa buong Mindanao.
Mainam aniya na magkaroon muna ng briefing sa mga mambabatas kaugnay sa tunay at kasalukuyang sitwasyon sa Marawi City dahil marami pang mga tanong ang dapat masagot.
Ilan sa mga tanong na ayon kay Hontiveros ay dapat munang masagot ay kung ano ang naitulong ng martial law sa pakikibaka ng pwersa ng pamahalaan sa Maute terrorists.
Ano ang basehan at kailangang palawigin pa ang batas militar sa buong Mindanao.
Ano ang magiging silbi ng extension ng Martial Law para tuluyang magapi ang terorismo.
Punto ni Hontiveros, mismong ang Solicitor General ang nagsabi na ang Martial Law ay wala namang pinagkaiba sa kapangyarihan ng Pangulo na pakilusin ng lubos ang militar para tapusin ang gulo sa bahagi ng Mindanao.
“While I look forward to the joint session that Congress will convene on this matter, hindi dapat madaliin ang prosesong ito. Ang paghingi ng Martial Law extension ay hindi parang umoorder lang sa Jollibee. Congress is not a fastfood restaurant,” pahayag ni Senator Hontiveros.