Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Risa Hontiveros kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ng idamay ang mga bata sa lengwahe nito ng pagpatay at karahasan.
Ang totoo, ayon kay Hontiveros, maraming batang Pilipino ang nabiktima din ng drug war na ikinasa ng Duterte administration.
Ilang bata na aniya ang nasawi dahil sa extra judicial killings, habang yung iba naman ay naulila dahil ang kanilang mga magulang ay wala ring awang pinatay.
Reaksyon ito ni Hontiveros sa mensahe ni Pangulong Duterte sa mga boy scouts patungkol sa kanyang madugong kampanya laban sa ilegal na droga na nagbibigay proteksyon sa mga kabataan.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat ipayakap ni President Duterte ang kultura ng karahasan sa mga kabataan.
Ang pagmamahal aniya ni Pangulong Duterte sa karahasan ay taliwas sa prinsipyo ng Boy Scouts of the Philippines o BSP na nagpapahalaga sa training and dialogue, capacity building at peace projects.
Binigyang diin ni Hontiveros na ang tunay na proteksyon sa mga bata ay nakasalalay sa isang pamahalaan na may kakayahang mangalaga sa lahat ng mamamayan nito, kaakibat ng pag-iral ng demokrasyan, pagsunod sa proseso ng batas at pagpapahalaga sa dignidad ng bawat buhay.