Senator Koko Pimentel, aapela sa Korte Suprema kaugnay sa naging desisyon ng COMELEC patungkol sa tunay na grupo ng PDP-Laban

Iaapela ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Korte Suprema ang naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nagsasabing ang paksyon ni dating Energy Secretary Alfonso Cusi ang tunay at orihinal na miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Matatandaang nahati noon sa dalawa ang PDP-Laban, ang partido na kinaaaniban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan mayroong grupo ni Pimentel at ang grupo ni Cusi.

Maging noong nakaraang 2022 election, magkaiba ang sinuportahang kandidato sa pagkapangulo ng dalawang paksyon kung saan si dating Senador Manny Pacquiao ang dalang kandidato ng paksyon ni Pimentel habang si Pangulong Bongbong Marcos, naman ang suportado ng paksyon ni Cusi.


Giit ni Pimentel, wala na silang pagpipilian kundi ang dumulog na sa kataas-taasang Hukuman.

Pinayuhan din ng senador ang COMELEC na tigil-tigilan ang pagsasabi ng katagang ‘vox populi, vox Dei’ sa kanilang mga press statement dahil ang pahayag ng komisyon ay hindi naman boses ng taumbayan.

Baka rin aniya unti-unting magkaroon ng ‘messianic complex’ ang mga taga-COMELEC kung paniniwalaan ng mga ito na ang kanilang sinasabi ay boses ng Diyos.

Si Pimentel ang anak ni dating Senate President Aquilino Pimentel Jr., na siyang founder ng PDP-Laban na lumaban noon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Facebook Comments