Asahan ang pagsama ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa mga martsa o kilos-protesta laban sa Anti-Terrorism Law.
Ayon kay Lacson, gagawin niya ito kapag may nangyaring pang-aabuso kaugnay sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Tiniyak ni Lacson na katulad ng pagiging mapanuri niya habang tinatalakay pa lamang ang panukala sa kanyang komite sa Senado, ay mas maigting ang gagawin niyang pagbabantay kapag ito ay naging batas at ipinatupad na.
Tugon ito ni Lacson sa mga nagpapahayag ng pagkabahala at takot sa magiging uri ng pagpapatupad ng mga awtoridad oras na ganap nang maging batas ang Anti-Terrorism Bill.
Binigyang-diin ni Lacson, hindi biro ang pinagdaanan sa Senado ng naturang panukala para lamang matiyak ang paglagay ng safeguards, kaya hindi niya papayagan na masalaula ang implementasyon nito.