Tutukang mabuti ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagsusuri ng panukalang budget sa taong 2022 lalo na ang mga “red flag” ng Commission on Audit (COA) sa ilang ahensya tungkol sa estilo ng paggamit nila ng pondo.
Ito ang mga dahilan ng pagbibitiw ni Lacson bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Finance at bilang Chairman ng Finance Subcommittee na siyang nag-i-sponsor sa mga taunang budget ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Lacson, ang mga huling pagpuna ng COA sa paggamit ng ilang ahensiya sa mga pondong ipinagkaloob sa kanila ay indikasyon ng lantarang kapabayaan at posibleng pag-abuso sa pondo ng pamahalaan.
Kaugnay nito ay higit na magiging aktibo ang partisipasyon ni Lacson sa deliberasyon ng pambansang gastusin ng pamahalaan upang mapanatili ang mga prosesong nararapat.
Diin ni Lacson, ito ay para umiral ang “checks and balances” sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan.