Manila, Philippines – Hinikayat ni Senator Panfilo Ping Lacson si Pangulong Rodrigo Duterte at ang liderato ng Philippine National Police o PNP na repasuhin ang estratehiya sa giyera kontra ilegal na droga.
Ang mungkahi ni Senator Lacson ay matapos masangkot ang ilang pulis, lalo na ang mga miyembro ng Caloocan police sa mga kaso ng pagpatay sa ilang menor de edad at ang nakuha ng CCTV camera na iregular na pag-search sa isang tahanan.
Giit ni Lacson, dapat pagisipan ngayong mabuti ang positibo at negatibong epekto ng mga pahayag ni Pangulong Duterte lalo na ang tungkol sa guidelines o patakaran sa pagsasagawa ng anti-drug police operations.
Paliwanag ni Lacson, posibleng inaakala ng mga pulis na immune sila sa anumang reklamo kaakibat ang pag asa na otomatiko silang ipa-pardon ng commander in chief.
Paalala pa ni Lacson, maraming aral ang dapat matutunan mula sa grupo nina Supt. Marvin Marcos kaugnay sa kaso ng pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Epinosa.