Umapela si Senador Imee Marcos kay Pangulong Duterte na sertipikahan bilang urgent ang amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act, para hindi na itaas pa ang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa taong ito.
Panawagan ito ni Marcos, kasunod ng pahayag ng Pangulo na dapat suspindehin ang premium contributions sa PhilHealth sa gitna ng gipit na kalagayang pampinansyal ng mamamayan dulot ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Marcos na makakatulong ang bilyun-bilyong pisong inutang ng gobyerno para punan ang pondong makukuha sana ng PhilHealth sa pagtaas sa kontribusyon ng mga myembro nito.
Una rito ay inihain ni Marcos ang Senate Bill 1966 para suspindehin hanggang 2022 ang legal na mandato ng PhilHealth na magtaas ng membership contributions ng 0.5% sa taong ito.
Itinatakda ng UHC Act, ang 0.5% na pagtaas sa bawat taon hanggang sa 2025 kung kailan aabot ang PhilHealth contributions sa 5% ng sweldo ng mga myembro.
Bukod dito ay iginiit din ni Marcos, na kailangang ayusin muna ng PhilHealth ang serbisyo bago muling magtaas ng premium contributions.