Manila, Philippines – Inalerto ni Senator Nancy Binay ang Department of Agriculture at Department of Health sa pinangangambahang pagkalat sa tao ng nararansan ngayong bird flu outbreak sa bahagi ng Luzon.
Giit ni Senator Binay, kailangang siguruhin ng DA at DOH ang proteksyon sa kalusugan ng ating mga kababayan, lalung-lalo na yung mga nagtatrabaho sa mga manukan at iba pang poultry farms sa bansa.
Ayon kay Senator Binay, dapat epektibo ang hakbang ng DA at DOH, at kinauukulang lokal na pamahalaan para hindi na kumalat sa ibang lugar sa bansa ang bird flu outbreak sa Pampanga.
Nais din ni Binay na magsagawa ng ibayong information drive ang DA at DOH kaugnay sa sintomas ng bird flu sa mga alagang hayop at ang sintomas din nito na mararanasan ng indibiduwal na mahahawaan.
Kasabay nito ay nanawagan si Binay sa mga may-ari at trabahador ng mga manukan at iba pang poultry farms na i-report agad sa mga kinauukulan kung makita nila ang mga sintomas ng bird flu sa kanilang mga alaga at sa kanilang mga sarili at kasamahan.