Senator Pacquiao, hindi babawiin ang pabuya para matunton ang lahat ng umano’y sangkot sa pagkamatay ni Christine Dacera

Mananatili ang 500,000 pisong pabuya ni Senator Manny Pacquiao na layuning matunton ang iba pang mga sangkot sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Paliwanag ni Pacquiao, kaya siya naglatag ng pabuya ay upang masiguro na lahat ng nasa party na kasama ni Dacera bago natagpuang patay ay lulutang at tutulong magbigay ng kaliwanagan sa insidente.

Nakikiusap si Pacquiao sa ibang pang mga nasasangkot sa kaso na kusang iharap ang kanilang sarili sa Philippine National Police o alin man sa ating mga law enforcement agencies na gaya ng National Bureau of Investigation (NBI).


Ayon kay Pacquiao, kapag lahat ng sangkot sa kaso ay boluntaryong makikipagtulungan sa mga otoridad, ang kanyang pabuya ay ibibigay niya na lang na tulong sa pamilya ni Christine na kanyang kababayan.

Mensahe pa ni Pacquiao, kung tunay na mga kaibigan ni Christine ang mga nasasangkot sa kaso, sana ay magmalasakit ang mga ito at tumulong na mailantad ang totoong nangyari.

Tiniyak ni Pacquiao na nakahanda siyang tumulong para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

Facebook Comments