Magsusumite si Senator Manny Pacquiao kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga dokumento o ebidensya ng katiwalian sa ilang ahensya ng gobyerno.
Sabi ni Pacquiao, ang mga hawak nyang ebidensya ng katiwalian ay mula mismo sa mga kawani ng gobyerno na hindi na makayanan ang mga nagaganap na katiwalian kaya dapat maaksyunan.
Tiwala si Pacquiao na makatutulong sa kampanya kontra korapsyon ng administrasyon ang isusumite niyang mga dokumento.
Diin ni Pacquiao, hindi dapat mainsulto si Pangulong Duterte sa kanyang sinabi ukol sa lumalang korapsyon sa pamahalaan dahil hindi naman niya sinabi na sangkot dito ang pangulo.
Giit ni Pacquiao, hindi niya inaatake si Pangulong Duterte dahil sinasang-ayunan lang naman niya ang mismong sinabi nito na lumala ang katiwalian sa bansa.
Paglilinaw ni Pacquiao, hindi siya nakikipag-away at naniniwala siyang ang patuloy na kahirapan ay bunga ng korapsyon o systemic na nakawan sa gobyerno at ang mga sangkot ay dapat sa humantong sa kulungan.