Hiniling ni Senator Manny Pacquiao sa gobyerno ng China na respetuhin ang ating soberenya at alisin ang kanilang mga barko sa karagatang sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf sa West Philippine Sea.
Sa liham na ipinadala kay Chinese Ambassador Huang Xilian na may petsang April 10 ay sinabi ni Pacquiao na nakakaalarma ang balitang mayroong 220 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef.
Diin ni Pacquiao ang presensya ng mga barko ng China sa ating teritoryo ay nagpapalala sa tensyon at pagkakawat-watak sa Asia-Pacific Region at nagsusulong din ng destabilisasyon sa international rule of law.
Pakiusap ni Pacquiao sa China, maging unifying figure ng regional solidarity.
Giit ni Paquiao ang gobyerno ng Pilipinas at China ay dapat magtulungan para magkaroon ng kapayapaan at kooperasyon sa buong Asia-Pacific Region lalo na ngayong may pandemya.
Kasabay nito ay ipinaliwanag ni Pacquiao na may nauna na siyang liham na ipinadala sa Chinese Government kaya hindi na siya lumagda sa resolusyon na isinulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na komokondena sa aktibidad ng China sa West Philippine Sea.