Ikinatuwa ni Senator Manny Pacquiao na maraming kampo ang nagnanais na maka-tandem siya bilang kandidato sa pagkabise presidente.
Gayunpaman, iginiit ni Pacquiao na tuloy ang laban niya sa pagkapangulo dahil ito ang kailangan para magawa ang mga pangako niya sa mga mahihirap at sa mga nagsisikap mula sa hirap.
Ayon kay Paquiao, ilang taon na siya sa public service sa local at national levels kaya nakita niya mismo ang mga problema ng bansa.
Paliwanag ni Pacquiao, kahit naging kaibigan niya ang mga presidente, vice president at local officials ay malaki ang agwat ng mayaman at mga mahihirap dahil sa mga polisiya na ipinapatupad.
Dahil dito ay binigyang-diin ni Pacquiao na ngayon na ang tamang panahon para kanyang ipanalo ang mga mahihirap, isulong ang pagbabago at sugpuin ang corruption na lumalala sa bansa.
Nakikita rin ni Pacquiao na lumalaki ang grassroot support sa kanya araw-araw habang umiikot siya sa buong bansa.