Ikinadismaya ni Senator Francis Kiko Pangilinan ang red-tagging sa kanilang hanay ni Vice President Leni Robredo kung saan pinapalabas na mayroon silang supporters na konektado sa makakaliwang grupo.
Bunsod nito ay umaapela si Pangilinan sa Philippine National Police (PNP) na huwag magpaggamit sa mga politiko na may maduming taktika sa pakikipagtungali para sa nalalapit na eleksyon.
Sinabi ito ni Pangilinan, kasunod ng report na dinampot ng mga otoridad noong nakaraang linggo ang kanilang tagasuporta na si Jonathan Mercado na isang lingkod-magsasaka at tagapagsalita ng Teatro Kabataan Mula sa Nayon.
Sang-ayon din si Pangilinan sa pahayag ng kanilang mga senatorial candidates na sina Alex Lacson at Representative Teddy Baguilat na bahagi ng “dirty tricks” at black propaganda ang pilit na pagkonekta kay VP Robredo sa komunistang grupo.
Kinatigan din ni Pangilnan ang pahayag ni Rep. Erin Tañada, na siyang campaign manager ng Robredo-Pangilinan senatorial slate na tanging mga alien lang ang magtuturing sa kanilang malawakang mga pink rallies bilang communist revival parties.
Ngayon ay umaapela si Pangilinan na sa halip gipitin ang kanilang kampo ay mainam na pagtuunan na lang ng pansin kung paano matutulungan ang mamamayan sa harap ng patuloy na tumataas na presyo ng langis at mga bilihin.