Senator Poe, nadismaya sa kabiguang makakonekta sa Senate hearing ang mga opisyal ng isang telecommunication company

Labis na nadismaya si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe makaraang mabigo na makakonekta ang mga opisyal ng Instant Data Incorporated sa virtual hearing kaugnay sa hinihingi nitong prangkisa.

Ayon kay Instant Data Corporate Secretary Stephen Joseph, dahil sa problema sa internet connection ay naunsiyami ang partisipasyon sa Senate hearing ng kanilang Presidente na si Alfonso Cruz.

Iritableng sinabi ni Poe na sana ay nag-abiso ng maaga ang Instant Data kaugnay sa problema nito sa internet connection lalo pa at humihiling ito ng prangkisa.


Maging ang technical consultant ng Instant Data na si Alex Pardes ay nahirapan ding makibahagi sa teleconference kaya hindi nito nasagot ang tanong ni Senator Poe kung bakit sila dapat bigyan ng prangkisa.

Dahil dito ay inirekomenda ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na i-atras sa ikalawang bahagi ng hearing ang pagtalakay sa franchise application ng Instant Data.

Facebook Comments