Nananatili ang gusot sa pagitan ng mga nakaupong senador at mga kakapanalo lang nitong midterm elections dahil sa agawan ng mga committee.
Kaugnay nito ay umaasa si Senator Grace Poe na irerespeto ng mga baguhang senador ang mga nakaupong senador pagdating sa pagpili ng mga komite na kanilang papamunuan.
Diin ni Poe, dapat igalang ang naging tradisyon na equity of the incumbent kung saan pababayaan ang mga nakaupong senador na magpasya kung papanatilhin o papalitan ang kanilang mga pinamumunuang komite.
Aminado si Senator President Tito Sotto III na masakit na sa ulo ang isyu ng agawan sa committee chairmanship pero tiwala siya madadaan pa ito sa usapan at kung hindi eh kakailanganin nila itong isalang sa botohan.
Si Senator Richard Gordon, nagmatigas na hindi bibitiwan ang blue ribbon committee dahil marami pa daw syang trabaho at imbestigasyon dito na ipagpapatuloy sa 18th Congress.
Ang blue ribbon committee ay kapwa hinahangad na hawakan ni Poe at ni Senator Elect Francis Tolentino.
Habang ang committee on education naman na iiwanan ni outgoing Senator Francis Escudero ay nais pamumnuan nina Senators Joel Villanueva, Win Gatchalian at Pia Cayetano.