Manila, Philippines – Umaasa si Committee on Public Services Chairperson
Senator Grace Poe na sa pagbabalik ng session ng senado sa Mayo hanggang
Hunyo ay maipapasa na ang panukalang pagkalooban ng emergency powers si
Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang matinding trapiko sa mga
pangunahing lungsod sa bansa.
Ayon kay Poe, matagal ng nagdurusa ang publiko dahil sa matinding trapiko
kaya dapat na itong maaksyunan ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Binigyang diin ng senadora na ang pagka-delay ng pagresolba sa mabagal na
usad ng mga sasakyan ay maituturing na pagkakait ng basic rights ng
mamamayan para sa maayos na serbisyo.
Binanggit pa ni Senator Poe ang negatibong epekto ng matinding traffic sa
ekonomiya ng bansa.
Gayunpaman, bagamat nauunawaan ang kahalagahan na mabigyan ng emergency
powers ang Pangulo ay tiniyak naman ni Poe na ang isusulong nilang bersyon
ng Traffic and Congestion Crisis Act ay FOI-compliant, fiscally responsible
at may tutugon sa itatakdang deadline.