Nagpadala ng liham si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. kay National Task Force on COVID-19 Chairman Secretary Delfin Lorenzana hinggil sa bagong implementasyong ipatutupad, simula sa July 10, 2020 patungkol sa pagsasakay ng angkas sa motorsiklo.
Sa liham ay sinabi ni Revilla na ang do-it-yourself installation ng makeshift barriers ay delikado at sasalungat sa engineering at balance ng motorsiklo.
Sa pananaw ni Revilla, bilang isang motorcycle rider, kapag meron kang angkas dapat ang bigat ay synchronized.
Paliwanag ni Revilla, dapat ay sumusunod ang angkas sa kung saan papaling ang bigat ng motorsiklo dahil kung hindi, puwede itong sumemplang at ang divider sa pagitan ng nagmamaneho at angkas ay makadadagdag sa hirap sa balanse.
Idinagdag pa ni Revilla, na ang planong harang sa pagitan ng driver ng motorsiklo at angkas ay posibleng magdulot ng aksidente na hahantong sa mas matinding pinsala.
Dahil dito, ipinayo ni Revilla sa NTF na pagsuotin na lamang ang driver at angkas nito ng gloves, face masks, at full face helmets, o kaya ay face shields na hindi makakaapekto sa pagmamaneho o takbo ng motorsiklo.