Hindi kikilalanin ni Senator Risa Hontiveros ang pagiging Minority Leader ni Senator Alan Peter Cayetano sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
Katwiran ni Hontiveros, sa rules ng CA ay dapat manggaling sa minorya ng Senado ang maluluklok na Minority leader ng constitutional body.
Ang magkapatid na Alan Peter at Pia Cayetano ay kapwa nag-manifest noon na maging independent bloc kahit pa ang mga ito ay hindi bumoto sa Senate President na otomatikong naglalagay sa kanila sa minorya.
Para sa senadora, napakamali nang nasimulan at base sa kanyang konsensya ay hindi niya kayang magtrabaho sa ilalim ni Cayetano bilang lider ng minorya sa CA.
Punto pa ni Hontiveros na hindi pwedeng pa-iba-iba ng titulo na depende sa sitwasyon at layunin, na mula sa independent ay nagiging minority o majority na mistulang nagmamaliit sa demokrasya at binubura ang pananagutan sa mamamayan.
Bukod dito, inaalis din ng paglilipat-lipat ang tunay na boses ng oposisyon.