Dismayado si Senator Robin Padilla sa paggamit ng mga awtoridad sa salitang “Muslim” bilang pantukoy sa tatlong preso na nagtangkang tumakas at nang-hostage kay dating Senator Leila de Lima sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.
Nakaramdam ng diskriminasyon si Padilla para sa mga kapatid na Muslim matapos na kumalat sa social media ang video kung saan sinabi ng mga pulis na rumesponde sa insidente na “Muslim” ang mga hostage-taker.
Dahil dito ay nanawagan si Padilla sa PNP na magkaroon ng edukasyon sa kanilang hanay kaugnay sa paggamit ng salitang Muslim.
Inihalimbawa ng senador na kapag may kidnapper o holdaper o kriminal na nakapatay ng tao ay hindi naman sinasabing Kristiyano ito.
Paliwanag pa ni Padilla na walang kinalaman sa relihiyon ang naturang insidente lalo’t ito ay may kinalaman sa krimen o terorismo.
Samantala, hinimok naman ni Padilla ang lahat ng mga Muslim sa bansa na isama sa panalangin ang paggaling ng sugatang pulis at ang kaligtasan ni dating Senator Leila de Lima.